DAGUPAN CITY- Iniulat ng Pangasinan Provincial Health Office (PPHO) na wala pang naitalang kaso ng jellyfish sting sa mga baybayin ng lalawigan ngayong Abril sa kabilang ng unti-unting pagdagsa ng mga taong naliligo sa dagat.
Ayon kay Dr. Vivian V. Espino, Officer in Charge sa nasabinh opisina na wala pang napaulat na insidente nito sa mga ospital sa lalawigan.
Sa kabila nito, nananatili parin ang kanilang paalala sa publiko na maging maingat sa pagligo sa dagat upang hindi maging biktima ng dikya.
Para sa mga mabibiktima ng jellyfish sting, inirekomenda ni Dr. Espino ang pagbuhos ng katamtamang init na tubig upang mabuksan ang mga pores at pag-alis ng mga tentacles gamit ang sipit o twizer.
Maaaring magpahid ng steroid-based na ointment, at agarang pumunta sa ospital kung mahihirapang huminga upang mabigyan ng karampatang lunas.
Inirerekomenda rin ang paggamit ng suka dahil mataas ang acidity na kayang ineutralized ang sting habang ipinagbabawal naman nito ang paglalagay ng ihi.
Samantala, may uri ng dikya na maituturing na deadly o nakamamatay ito ay ang box jelly fish ngunit bihira naman itong makita sa dalampasigan dahil ang mga karaniwang maliliit na dikya lamang ang nakikita dito.