Dagupan City – Puspusan ang pagbabantay at pagpapatupad ng mga hakbang ng Provincial Health Office (PHO) upang sugpuin ang pagkalat ng dengue sa mga bayang may mataas na kaso sa lalawigan.
Nangunguna ang Bayan ng Rosales sa may pinakamataas na kaso ng dengue na umaabot sa mahigit 350, sinundan ng Umingan, San Manuel, Mangatarem, at Asingan.
Ayon kay Dr. Ma. Vivian V. Espino, OIC ng Provincial Health Office, sa pagmonitor ng kanilang mga tauhan sa Rosales, nakita nilang malinis ang lugar, lalo na sa usapin ng basura.
Gayunpaman, napansin nila ang mga posibleng natural breeding site dahil sa maraming tanim na maaaring pamugaran ng mga lamok, lalo na’t nalalagyan ng tubig ang mga dahon nito dahil sa ulan.
Bukod sa Rosales, parehas na problema ang nakita sa ilang bayan, ngunit may ilan ding nakitaan ng mga lumang gulong na maaaring nalalagyan ng tubig at baradong mga kanal.
Dahil dito, patuloy ang koordinasyon ng PHO sa mga punong bayan, lalo na sa pagbibigay ng mga larvicidal na maaaring ilagay sa mga breeding sites ng lamok, at pagsasagawa ng misting at fogging operations sa mga barangay.
Istriktong pinaalalahanan din ng PHO ang mga Dengue Team sa lugar na isagawa ang 4T: Taob, Taktak, Tuyo, at Takip. Dagdag pa rito ang pagtutok sa Information Education Campaign (IEC) sa Dengue prevention and control, at pagsasagawa ng behavioral change communication activities.
Regular din silang nag-iinspeksyon sa mga lugar na posibleng pamugaran ng mga lamok tulad ng mga nakatiwangwang na lote, mga kanal, at mga lalagyan ng tubig.
Paalala ng PHO na ugaliing panatilihing malinis ang kapaligiran upang maging ligtas at hindi lumala ang pagkalat ng dengue sa paligid.