DAGUPAN CITY- Inaasahan ng Pangasinan Provincial Cyber Response Team ang pagtaas ng fraudulent activities sa lalawigan ngayon holiday season.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt. Sharmaine Jassie Labrado, Team Leader ng Pangasinan Provincial Cyber Response Team, kabilang sa mga kinasasangkutan ng scamming ay ang online booking, vacation, at iba pang mga may kinalaman sa holiday.
Aniya, isang oportunidad para sa mga scammer ang may maraming may access sa internet ngunit hindi naman vine-verifiy ang kanilang impormasyon.
Karamihan sa mga ito ay mga nasa edad 21-35 na siyang may mas access sa internet.
Kaya bilang tugon, pinapaigting nila ang Information Drive upang maipakalap ang mga kinakailangan gawin at makaiwas.
Kabilang na sa mga ito ay ang hindi agarang pagtiwala sa mga nakakausap sa internet.
Bagaman hindi masama ang magsagawa ng online transactions subalit siguraduhin i-verify muna ang pagdadalhan ng pera.
Isa pa sa kanilang hakbangin ay ang paghuli sa mga nagbebenta ng registered sim cards dahil dito nagsisimula o kinukuha ang mga accounts na gagamitin sa pag-scam.
Dahil dito, nagawa nilang makakumpiska ng 800 piraso ng mga registered simcards sa magkakahiwalay na operasyon.
At para sa mga registered simcards na ginagamit sa illegalidad ay nagkakaroon sila ng tracking sa mga ito para malaman ang mga persons of interests.
Ayon pa sa kaniya, ang mahuling gumagawa ng scamming ay masasampahan ng kasong may kinalaman sa cyber libel o ang paglabag sa Republic Act 10175.