Pinalakas ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang pakikipag-ugnayan nito sa mga mamamahayag mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan sa isinagawang Meet and Greet with Media Partners noong Hunyo 5, 2026 sa Magilas Multi-Purpose Hall ng Pangasinan PPO.

Pinangunahan ni PCol. Dennis L. De Leon, Officer-in-Charge ng Pangasinan PPO, ang programa na layuning higit pang pagtibayin ang ugnayan sa pagitan ng pulisya at media bilang mahalagang katuwang sa pagpapalaganap ng tama at napapanahong impormasyon sa publiko.

Sa kanyang mensahe, nagpaabot siya ng pagbati at pasasalamat sa mga media personnel na dumalo sa pagtitipon.

--Ads--

Tinalakay din sa programa ang ilang proyekto at inisyatiba ng Pangasinan PPO na nakatuon sa kapakanan at pagpapabuti ng kalagayan ng mga pulis sa lalawigan upang mas mapahusay pa ang kanilang serbisyo sa publiko.

Kasabay nito, ibinahagi rin ng opisyal ang mga pagbabago sa partisipasyon ng kapulisan sa Brigada Eskwela.

Aniya, hindi na pinahihintulutan ang mga pulis na makibahagi sa paglilinis ng mga paaralan at nakatuon na lamang ang kanilang tungkulin sa pagbibigay ng seguridad at pagpapanatili ng kaayusan sa mga eskwelahan.

Bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng klase, nagsagawa rin ng pag-iikot ang mga pulis sa bayan ng Lingayen upang suriin ang sitwasyon at tiyakin ang seguridad sa mga paaralan.

Layunin nitong matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng paaralan sa pagsisimula ng bagong taong panuruan.

Patuloy namang umaasa ang Pangasinan PPO na mas mapagtitibay pa ang kanilang pakikipagtulungan sa media upang mas epektibong maihatid sa publiko ang mga programa at serbisyo ng kapulisan sa buong lalawigan.