Tinututukan ng Pangasinan Police Provincial Office (Pang PPO) ang kaligtasan at seguridad ng nalalapit na halalan sa lalawigan sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibong programa at operasyon.
Maliban sa araw-araw na pagsasagawa ng COMELEC Checkpoints sa kasagsagan ng Election Period, ipinagpatuloy din ang mga Police Interventions gaya ng OPLAN SITA, OPLAN BAKAL, at ang regular na Threat Assessments para sa mga kandidato upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Ayon kay PCOL Rollyfer Capoquian, Provincial Director ng Pangasinan PPO, araw-araw isinasagawa ang Threat Assessments para sa mga kandidato bilang bahagi ng kanilang pagpaplano ng seguridad.
Aniya na ang mga programang ito ay hindi lamang nakatutok sa mga checkpoint, kundi pati na rin sa pagpapalakas ng koordinasyon at pagsuporta sa mga kandidato at mamamayan.
Ang mga Threat Assessments ay bahagi ng masusing pagsusuri sa mga posibleng banta o panganib sa seguridad ng mga kandidato, at batay sa mga resulta nito, ang mga kaukulang hakbang ay agad ipinatutupad upang maprotektahan ang kanilang kaligtasan.
Ang OPLAN KATOK naman na layuning makipag-ugnayan sa mga may-ari ng baril na may expired na mga dokumento tulad ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at Firearm Registration (FR), ay patuloy ding isinagawa upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.
Nagpapadala umano ng PNP ng mga sulat at abiso sa mga may-ari ng baril upang ipatupad ang tamang regulasyon at maiwasan ang paggamit ng mga hindi rehistradong armas sa panahon ng halalan.
Bukod pa dito, ang Joint Security Control Center (PJSCC) ay nagsasagawa rin ng mga regular na pulong kasama ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Coast Guard, at Commission on Elections (COMELEC) upang talakayin ang mga hakbang na nagpapaigting sa mga programa ng seguridad para sa darating na eleksyon.
Sa mga hakbang na ito, kabilang na ang OPLAN BAKLAS, magtutulungan ang mga ahensya sa pagtutok sa mga electoral laws at ordinansa, upang mapanatili ang kaayusan sa buong lalawigan.
Binigyang diin ni Capoquian na ang pagkakaroon ng tamang pag-uugnayan ng mga lokal na opisyal, ahensya ng gobyerno, at mga kandidato ay magdudulot ng mas ligtas at mas matagumpay na eleksyon para sa buong lalawigan.
Ang patuloy na koordinasyon ng mga ahensyang ito ay makakatulong sa mas maayos at tahimik na halalan sa lalawigan ng Pangasinan.