Mas pinaigting ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang kampanya laban sa iligal na sugal matapos maaresto ang apat na indibidwal sa magkakaugnay na operasyon kontra sa mga “bookies” o ilegal na operasyon ng Small-Town Lottery (STL) sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.
Ayon kay Provincial Director PCOL Arbel C. Mercullo, nagsagawa ng serye ng intelligence-driven operations ang Regional Intelligence Division (RID) ng PRO 1 katuwang ang mga lokal na himpilan ng pulisya at kinatawan ng awtorisadong gaming operator na Grand 88 Gaming Corporation.
Sa Sta. Barbara, dalawang magkahiwalay na operasyon ang nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang lalaking edad 63 at 27 matapos mahuling tumatanggap ng taya nang walang kaukulang pahintulot.
Nakumpiska sa kanila ang ₱8,350 na bet money, mga talaan ng taya, STL number combinations, result cards, at mga bolpen na ginagamit sa pagtaya.
Sa Urdaneta City, nadakip naman ang isang 40-anyos na kubrador mula Manaoag na kasalukuyang naninirahan sa lungsod.
Narekober mula sa kanya ang 17 piraso ng ilegal na betting paraphernalia, isang pad ng polyetos, dalawang bolpen, at ₱750 na taya.
Samantala, sa Villasis, isang 46-anyos na lalaki ang nahuli rin habang aktuwal na tumatanggap ng taya.
Nasamsam sa kanya ang mga kagamitang pangtaya at ₱740 na bet money.
Ang lahat ng suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602, na inamyendahan ng Republic Act 9287, kaugnay ng illegal gambling.
Dagdag pa ni Mercullo, hindi kukunsintihin ng pulisya ang anumang uri ng ilegal na sugal sa lalawigan.
Hinimok din ng Pangasinan PNP ang publiko na makipagtulungan at ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad ng ilegal na sugal sa kanilang komunidad, kasabay ng pangakong mananatiling confidential ang mga impormasyon.










