DAGUPAN CITY- Ibinahagi ni PCol. Arbel Mercullo, Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office, ang patuloy na pagpapaigting ng Enhanced 911 o E911 program sa lalawigan ng Pangasinan bilang mahalagang hakbang sa mabilis at epektibong pagtugon sa lumalalang iba’t ibang uri ng kriminalidad at mga emerhensiya sa kasalukuyan.
Ayon kay PCol. Mercullo, aktibong isinasagawa ang E911 program sa pakikipag-ugnayan ng lokal at panlalawigang pamahalaan.
Ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang pangunahing ahensyang nangangasiwa sa E911 sa antas ng lalawigan, habang ang kapulisan ay katuwang sa agarang pagtugon sa mga insidenteng may kinalaman sa kapayapaan at kaayusan.
Ipinaliwanag din na ang mga ulat at tawag ukol sa mga insidenteng saklaw ng mandato ng pulisya ay agad na ipinapasa sa Pangasinan PPO upang matugunan sa lalong madaling panahon.
Sa ganitong sistema, mas napapabilis ang koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, lalo na sa mga kasong nangangailangan ng agarang aksyon.
Binigyang-diin pa na napatunayang epektibo ang E911 program sa pagtugon hindi lamang sa mga krimen kundi maging sa iba’t ibang uri ng emerhensiya gaya ng aksidente, sakuna, at iba pang sitwasyong nangangailangan ng mabilis na tulong.
Patuloy naman ang paalala sa publiko na gamitin nang tama at responsable ang E911 hotline upang masigurong ang tulong ay agad na makararating sa mga tunay na nangangailangan.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagpapatibay ng E911, inaasahang mas mapalalakas pa ang kakayahan ng mga awtoridad sa Pangasinan na mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng mamamayan sa lalawigan.










