Dagupan City – Pinabulaanan ng Pangasinan Police Provincial Office ang mga posts na kumakalat sa social media na mga paalala ukol sa posibleng banta ng kidnapping sa ilang bahagi ng lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay PCol Rollyfer Capoquian – Provincial Director, Pangasinan Police Provincial Office (PPO), isang magandang bagay ito dahil nagsisilbing babala ito upang mapanatili ang pagiging alerto ng mga tao, lalo na ang mga kabataan.

Aniya na sa kabila ng mga kumakalat na larawan, isang insidente pa lamang ang naitala, kung saan ang biktima ay mula sa syudad ng Dagupan.

--Ads--

Ngunit mabilis umanong nasolusyunan ang kaso dahil wala pa mang 24 oras mula nang maganap ang insidente, agad na kumilos ang Anti-Kidnapping Group katuwang ang mga kapwa law enforcement agencies mula sa Benguet PPO, Nueva Vizcaya PPO, at iba pang mga ahensya mula sa karatig-lalawigan.

Pinangunahan din nila ang operasyon na nagresulta sa pagkakahuli ng suspek sa pamamagitan ng isang COMELEC checkpoint.
Ani Capoquian, dahil sa maagap na koordinasyon ng mga law enforcement agencies at sa pamamahagi ng impormasyon sa mga karatig na lugar, naging daan ito upang matukoy ang kinaroroonan ng suspek.

Matapos ang ilang mahahalagang hakbang, natulungan ang mga otoridad na matunton ang suspek at naagapan ang panganib.

Sa kabila ng mga kaganapan, iginiit ng Provincial Director na ang kaligtasan ng publiko ay patuloy na magiging pangunahing prayoridad ng Pangasinan PPO.

Ang pagkakaroon aniya ng kooperasyon mula sa taong bayan, lalo na sa mga Anti-Criminality Programs, ay nakikita niyang isang mahalagang bahagi sa paglutas ng mga kasong tulad ng kidnapping.

Hinihiling din ng mga otoridad ang pang-unawa ng publiko ukol sa mas mahigpit na mga hakbang sa seguridad, na bagamat minsang nakaka-abala, naglalayon naman itong tiyakin ang mas ligtas at mas maayos para sa lahat ng mga mamamayan sa lalawigan.