Dagupan City – Tinututukan na ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang iba’t ibang aktibidad at programa kaugnay sa selebrasyon ng Police Community Relations (PCR) Month ngayong Hulyo.
Ayon kay Police Colonel Ricardo David, Acting Provincial Director ng Pangasinan PPO, nakahanda na ang kanilang mga inisyatibo para mas mapalapit ang kapulisan sa komunidad.
Kabilang dito ang mga crime prevention activities, serye ng mga lecture para sa mga estudyante at mamamayan, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, mga stakeholder, at ang National Police Commission (NAPOLCOM).
Kasama rin sa mga aktibidad ang mga pagsasanay para sa mga kabataang lider, pagpapatuloy ng Police Community Academy, at pagbibigay ng plataporma upang aktibong makilahok ang komunidad sa mga adbokasiya ng PNP.
Layunin nito na mas pagtibayin ang ugnayan ng kapulisan at ng komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
Patuloy din ang pagsisikap ng kapulisan sa pagtugis sa mga kriminal at pagpapanatili ng mabilis na serbisyo, gaya ng agarang pagresponde sa mga tawag sa 911.
Sa katunayan aniya, umabot na sa 197 ang naitalang tawag, kabilang na ang isang kaso sa Sison kung saan isang lalaki ang nawalan ng malay ngunit agad na narespondehan at nailigtas.
Samantala,ipinaabot din ni Col. David ang kaniyang pasasalamat sa mga tumutulong sa kampanya laban sa droga at nangakong hindi titigil ang PNP hanggang sa makamit ang layunin na gawing drug-cleared province ang Pangasinan.
Dito na rin niya binigyang diin na ang ligtas na komunidad ay nagsisimula sa pagkakaisa.