Nagpahayag ng pagkabahala ang Pangasinan Police Provincial Office (PPO) sa pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa kalsada sa lalawigan ngayong taon.
Kaya naman, nanawagan sila sa publiko na mag-ingat at maging handa sa tuwing lalabas ng bahay.
Ayon kay PCapt. Aileen Catugas, ang PIO ng Pangasinan PPO, batay sa datos ng comparative crime incident, mas mataas ang naitalang vehicular traffic incident ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Mula Enero 1 hanggang Disyembre 22 noong nakaraang taon, naitala ang 1,852 insidente, samantalang sa kaparehong panahon ngayong taon, umabot na ito sa 2,299.
Ipinaliwanag ni PCapt. Catugas na ang pangunahing sanhi ng mga aksidente ay ang human error, tulad ng overspeeding, unsafe overtaking, at pagiging hindi kondisyon ng mga driver.
Ipinakita rin ng datos na pinakamarami ang naitalang Vehicular Traffic Incident na nagresulta sa damage to property, na sinundan ng VTI resulting in physical injury at VTI resulting in homicide.
Mas mataas din ang kaso ng damage to property ngayong taon na may 967, kumpara sa 794 noong nakaraang taon.
Sa physical injury naman, umabot sa 1,149 ngayong taon kumpara sa 863 noong nakaraang taon.
Sa kabilang banda, bumaba ang bilang ng VTI resulting in homicide mula 195 noong nakaraang taon sa 176 ngayong taon.
Sa huli, pinaalalahanan nito ang publiko, hindi lamang sa Pangasinan kundi sa buong Region 1, na maging handa sa kanilang mga biyahe, hindi lamang sa paghahanda ng sasakyan kundi pati na rin sa kanilang sarili, dahil ang buhay ay mahalaga.










