Mas pinaigting pa ng Pangasinan Police Provincial Office ang pangangalap ng impormasyon hinggil sa kaso ng pamamaril at paggilit sa leeg ng 15 anyos na lalaki sa bayan ng Calasiao

Ayon kay PMaj. Katelyn Awingan ang siyang tagapagsalita ng Pangasinan PPO na mayroon na silang tinitignan na anim na mga ‘person of interest’ sa pagpatay sa naturang menor de edad.

Aniya nakausap na rin nila ang mga magulang maging ang mga kamag-anak ng biktima at may nakikita rin umano silang motibo sa pagpatay rito.

--Ads--
TINIG NI PMAJ. KATELYN AWINGAN

On going din umano ang isinasagawang cross matching sa ginamit na basyo ng baril sa insidente sa mga naitalang kaso ng pamamaril sa lalawigan para makita kung may mga kaugnayan nga ba ang mga ito.

Sa ngayon ay hinhintay na lamang umano ang ilan pang ebidensya na pwedeng magamit para matukoy ang mga suspek tulad na lamang ng mga cctv footages na malapit sa pinangyarihan ng pamamaril.

Siniguro naman nito na kanilang ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para makamit ang katarungan sa pamilya ng biktima.

Kaugnay nito ay hinimok nito ang lahat ng mga pribadong indibidwal na may impormasyon hinggil sa kaso na huwag magatubiling lumapit sa kanilang himpilan para sa mas mabilis na paggulong ng imbestigasyon.

Matatandaang noong Biyernes ay, naglalakad ang kinse anyos na biktima kasama ang ama at tiyuhin nito nang harangin ng ilang mga lalaking nakasakay sa motorsiklo at pinaputukan ang biktima nang ilang ulit, at ginilitan pa ang kanyang leeg at dahil sa dalawang buwan nang sira ang CCTV sa naturang lugar ay pahirapan ang pagkilala sa mga suspek.