Dagupan City – Muling pinaalalahanan ng pamunuan ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang publiko, lalo na ang mga motorcycle riders, hinggil sa mahigpit na pagpapatupad ng isang provincial ordinance na nag-uutos sa pagsusuot ng reflectorized vest para sa kaligtasan sa kalsada.

Ayon kay Police Colonel Arbel C. Mercullo, Officer-in-Charge ng Pangasinan PPO, Fully ipatutupad ang provincial ordinance.

Lahat ng sasakay sa motorsiklo ay kailangang fully equipped, kasama na ang pagsusuot ng helmet, tamang protective gear, at ang reflectorized vest.

--Ads--

Ipinahayag din ni PCol. Mercullo na muling rerebisahin at paiigtingin ang pagpapatupad ng mga umiiral na ordinansa upang masigurong ligtas ang mga motorista at maiwasan ang aksidente sa lansangan.

Binigyang-diin din ng opisyal ang kahalagahan ng disiplina sa pagmamaneho, partikular na ang pag-iwas sa pag-inom ng alak bago magmaneho.

Hinimok ng Pangasinan PPO ang mga lokal na pamahalaan at mga barangay na makipagtulungan upang maipatupad ang ordinansa sa buong lalawigan, kasabay ng mas pinaigting na kampanya para sa road safety.