Dagupan City – Naglunsad ang Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) ng isang kampanya para sa kamalayan hinggil sa lumulutang na shabu sa mga karagatan ng Pangasinan at karatig na mga lalawigan.

Ang inisyatiba ay bunga ng sunod-sunod na pagkakatuklas ng mga pakete ng shabu sa dagat malapit sa mga bayan ng Bolinao, Agno, at iba pang coastal municipalities sa Rehiyon 1 at 2 sa nakalipas na mga buwan.

Ayon kay PCol. Rollyfer Capoquian, Provincial Director ng PPPO, nalaman niya ang isyung ito simula nang maupo siya bilang bagong Director sa lalawigan.

--Ads--

Batay sa ulat, pinaniniwalaang nagmula sa ibang bansa ang mga shabu dahil sa mga nakitang Chinese characters sa mga pakete.

Kung saan ang ilan sa mga natagpuang shabu ay naisuko sa mga awtoridad, habang ang iba ay nasira o napaglaruan ng mga bata dahil sa kawalan ng kaalaman sa panganib nito.

Upang maiwasan ang ganitong mga insidente, nagsasagawa ang kanilang hanay ng mga symposium at information drive sa mga coastal areas.

Layunin ng mga ito na turuan ang mga residente kung paano makikilala ang shabu at kung ano ang dapat gawin kapag may natagpuang kahina-hinalang bagay sa dagat.

Inaasahan nilang mahihikayat nito ang mga tao na agad na mag-ulat sa mga awtoridad upang mapigilan ang pagkalat ng iligal na droga.

Bagamat patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng mga lumulutang na shabu, hindi inaalis ng kapulisan ang posibilidad na mayroon pang makita sa karagatan.

Sa kabilang banda, noong Nobyembre 3, may natagpuan na namang floating shabu ang dalawang mangingisda sa lalawigan ng Ilocos Sur, malapit sa West Philippine Sea, na may halagang ₱6.8 milyon kung saan ito ay nagpapatunay na mayroon paring namamataan na lumulutang na ganito sa karagatan ng rehiyon. (Oliver Dacumos)