Iniimbestigahan at pinaghahanap na ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang alleged suspect na deputy police chief ng Binmaley PNP matapos umanong masangkot sa isang insidente ng pamamaril at pagdukot sa lungsod ng Cabanatuan sa Nueva Ecija.

Ayon kay PMaj. Katelyn Awingan, ang Pangasinan provincial police office information officer, ikinasa na ng kanilang hanay ang man-hunt operation para matunton at makuhanan ng panig ang itinuturong suspek na kinilalang si PMaj. Antonio Cuaresma na tubong lungsod ng Urdaneta.

Aniya, noong May 1, bago mangyari ang insidente, naka-duty umano ang naturang pulis sa naturang istasyon ngunit bumalik umano ito ng kanyang bahay upang kumuha ng uniporme.

--Ads--

Ngunit pagkaraan ng araw na iyon ay hindi na umano bumalik ang naturang opisyal at hindi na nakontak.

Nalaman na lamang nila na nasa labas na pala ng lalawigan ng Pangasinan nang matanggap ng PPO ang ulat ng Police Office Region III ang naturang insidente.

Batay kasi sa mga ulat, ang biktima na dinukot ng suspek ay ang itinuturing umano na witness sa pamamaril sa biktima na si Jonathan Fernandez.

Dinala umano ang alleged witness sa isang hotel sa Tarlac kung saan tumawag ang mga kawani sa lokal na pulis ng Tarlac kasunod ng isang kaguluhan.

Nilinaw din ni Awingan na sa ngayon, ang tangging sigurado sa krimen ay ang umano’y pagdukot sa witness ngunit sa pagbaril sa biktima ay kasalukuyan pa rin nila iniimbestigahan lalo na kung dawit ang naturang pulis.

Tiniyak naman ng naturang tanggapan na sisiguraduhin nila na maiimbestigahan ng maiigi ang naturang kaso ngunit mas mainam na makuhanan ng panig ang naturang police upang mabigyang linaw ang naturang insidente.

Sa ngayon ay nakiikipag-ugnayan sila sa COP ng Binamaley PNP at sa pamilya ng alleged suspect nang sa gayon ay makumbinse ito na sumuko dahil sila sa ngayon ang may kontak dito.