DAGUPAN CITY- Pinuri at pinasalamatan ng Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) at Philippine Drug Enforcement Agency Region 1 (PDEA R1) ang mga mangingisda sa bayan ng Bolinao dahil sa kanilang pagsasauli ng isang malaking bilang ng ilegal na droga na kanilang natagpuan sa karagatan.

Pinangunahan ito nina Public Information Officer Pcapt. Aileen Catugas ng Pangasinan PPO at PDEA Public Information Officer Mariepe De Guzman.

Personal na nagtungo ang mga otoridad upang magpasalamat at kapanayamin ang mga mangingisda lalo na sa Barangay Balingasay dahil dito natagpuan ang maraming bilang ng sako ng shabu at tirahan ito ng mahigit 15 mangingisda na nakatagpo ng mga droga sa dagat.

--Ads--

Ayon sa mga opisyal na ang ginawa ng mga mangingisda ay isang malaking tagumpay sa pagsugpo ng ilegal na droga sa probinsya.

Magsisilbing inspirasyon ang kanilang katapatan at pagiging responsable sa iba pang indibidwal.

Ibinahagi ng mga mangingisda ang kanilang karanasan sa pagtuklas at pagsasauli ng mga nakumpiskang droga, na nagpapakita ng kanilang paniniwala sa kahalagahan ng pagsunod sa batas at pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang komunidad.

Pinangakuan naman ng mga otoridad ang mga mangingisda ng nararapat na pagkilala bilang pagpapahalaga sa kanilang ginawa.

Patuloy naman ang mga ginagawang hakbang ng mga otoridad upang palakasin ang kooperasyon ng publiko sa paglaban sa iligal na droga kung saan hinihikayat ang lahat na tularan ang katapatan at pagmamahal sa bayan na ipinakita ng mga mangingisda sa Bolinao.