DAGUPAN CITY — Tiniyak ng hanay ng kapulisan ng lalawigan ng Pangasinan na mahigpit ang kanilang ipinatutupad na mga mekanismo sa pagsiguro na ligtas hindi lamang ang buhay subalit partio na rin ang mga ari-arian ng bawat mamamayan lalong lalo na ang mga local chief executive officials.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Renand Dela Cruz, Public Information Officer ng Pangasinan Police Provincial Office, sinabi nito na 24/oras silang nagsasagawa ng mobile patrolling, checkpoint, Oplan Sita, at ilan pang mga aktibibidad sa iba’t ibang dako ng lalawigan upang masiguro na walang makakalusot na kawatan o masasamang loob nang sa gayon ay mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng buong Pangasinan.
Aniya na sa ngayon ay wala pa namang nagsusumite ng mga kahilingan na mga local executive officials na humihingi ng karagdagang seguridad mula sa mga pagbabanta at masasamang elemento sa lalawigan. Gayunpaman ay nagpapatuloy pa rin ang pagbabantay at operasyon ng mga intelligence officers nang sa gayon ay masiguro na walang nagbabalak ng masama sa mga lokal na opisyal.
Maliban dito ay patuloy din naman ang paga-assist ng mga awtoridad sa mga opisyal ng lalawigan at kung mayroon mang nangangailangan ng karagdagang mga seguridad ay mayroon din silang nakalaan at nakahanda na mga security packages na maaaring igawad para sa mga nangangailangan nito.
Kaugnay nito ay tiniyak din ni Dela Cruz na sa ngayon ay wala pang minamanmanan na mga political hotspots sa lalawigan subalit hindi naman nagpapakampante aniya ang kapulisan. Patuloy din aniya ang mahigpit na pagbabantay ng kapulisan sa bawat sitwasyon sa lansangan at kakalsadahan lalong lalo na sa mga matataong lugar gaya ng paaralan, simbahan, palengke, at iba pa, upang agad na makasaklolo at makatulong sa mga nangangailangan.
Dagdag pa nito na sinisiguro ng pulisya ng lalawigan sa pamumuno ni PCol. Jeffrey Fanged, na ang mga pulis sa kahit anumang dako ay makikitang pulis na handang tumugon sa anumang oras alinsunod sa programa ng probinsya na pananatilihing field impartial, respectful, service oriented, at trusted ang bawat pulis ng lalawigan ng Pangasinan.
Kaya wala dapat ikabahala ang mamamayan ng lalawigan at sa halip ay makipagtulungan na lamang sa kanilang hanay sapagkat ang kapulisan ay laging naririyan, anumang oras, anumang pagkakataon, at laging handang maglingkod para sa bayan at magbigay ng serbisyong may malasakit sapagkat ang kaligtasan ng mamamayan ay napakahalaga.