Dagupan City – Matagumpay na isinagawa ang isang araw na seminar sa Pangasinan Police Provincial Office na dinaluhan ng ilang Police Officers at miyembro ng PNP Media Press Corps mula sa ilang media outlet dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Tinalakay dito ang Freedom of Information, Executive Order at Data Privacy Act of 2012 na mga dapat malaman ng mga nasa media at kapulisan ang bawat karapatan ng mga indibidwal sa pamamagitan ng kanilang mga personal na impormasyon.

Ayon kay Atty. Philip Raymund S. Rivera, Chief ng Regional Investigation Unit ng National Police Commission (NAPOLCOM) layunin nito na mapagsama ang sangay ng kapulisan at media para malaman ang kanilang tungkulin at responsibilidad sa publiko.

--Ads--

Nagpapakita aniya ito ng pagkakaisa sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon at legal na pagkuha ng impormasyon sa mga indibidwal na masasangkot sa anumang bagay o insidente na maaring maibalita ng mga nasa media.

Binigyang diin dito ang mga gawaing may pananagutan, obligasyon at pribelehiyo na maaring gampanan ng kapulisan at medya sa pag-access ng impormasyon.

Kaugnay nito, ibinahagi naman ni Rivera na magandang balita sa lalawigan na wala pa naman umanong nakakasuhan sa hanay ng kapulisan patungkol sa palabag sa batas at executive order.

Samantala, nagpaalala naman nito sa publiko partikular na sa mga vloggers na palaging maging responsable sa lahat ng ginagawa maliit man o malaki upang hindi malabag ang karapatang pantao ng isang indibidwal.