DAGUPAN CITY– Pinaigting pa ngayon ng PNP Pangasinan ang kanilang monitoring sa mga foreign students hindi lang dito sa lungsod ng Dagupan kundi maging sa buong probinsiya ng Pangasinan.

Nabatid mula kay Police Lt./Col. Norman Florentino, Chief of Provincial Community Affairs and Development Branch ng Pangasinan PPO, bagamat dati na nilang binabantayan ang mga dayuhang estudyante sa bawat eskwelahan sa lalawigan mas lalo pa nila itong pinaigting ngayon dahil sa ilang espekulasyon ng taumbayan na maaari silang maging konektado sa mga teroristang grupo.

Masusing background investigation ang pinapairal hanggang sa ngayon ng mga otoridad sa mga ito kahit hindi pa dumating ang mga impormasyong kinakaharap ng ating lalawigan bunsod ng banta ng mga terorista na nagsimula aniya nilang gawin nang maganap ng World Trade Center bombing sa Estados Unidos o kilala din sa tawag na 9/11 bombing.

--Ads--

Sa katunayan ayon kay Florentino, hindi lang dito sa Pangasinan nagsasagawa ng closely monitoring sa mga foreign students kundi maging sa buong bansa kung saan hawak nila mismo ang bawat records ng mga ito kasabay ng maigting na pagmamatyag sa kanilang mga aktibidad.

Sa kabila ng suliraning kinakaharap ngayon ng lalawigan ng Pangasinan, pinawi naman ng mga otoridad ang pangamba ng publiko.

Giit ni Florentino, hindi nagpapabaya ang kanilang hanay at bilang patunay dito, maski sa pamumuno ng mga dating Provincial Directors hanggang ngayon ay wala pa din namang nangyari o naitalang major incidents.