Agad bumuo ng Special Investigation Task Group o SITG ang Pangasinan PNP para imbestigahan ang pagpatay sa asawa ng alkalde ng bayan ng Rosales, Pangasinan at kasalukuyang Incumbent Barangay Captain sa Barangay Tomana East sa nabanggit na bayan.
Sa eksklusibong panayam kay Bombo Radyo Dagupan kay Pol Col Redrico Maranan Provincial Director ng Pangasinan PNP, sinabi nito na naniniwala siyang agad mareresolba ang insedente dahil sa binuong SITG na mag iimbestiga sa pagpatay kay Punong barangay Reynaldo Casareno, 56 anyos .
Ipinag utos na umano nito sa Rosales PNP na tignan ang lahat ng mga ibedensiya na makakatulong sa pagresolba sa insedente.
Lahat umano ng mga standard motive na maaring maging motibo sa pamamaril tulad ng pulitika, negosyo, trabaho at personal na buhay ng biktima ay kanilang titignan.
Matagal na rin umanong naninilbihan sa publiko ang naturang biktima tulad ng kaniyang asawa na si Mayor Susan Casareno.
Inaalam din nila kung may natanggap na banta sa buhay ang naturang opisyal bago mangyari ang pamamaril sa kaniya.
Nauna rito, habang nasa kaniyang autoshop ang biktima kaninang madaling araw ay pinagbabaril ito ng di pa natutukoy na suspek sa ibat ibang bahagi ng kaniyang katawan na sanhi ng agaran nitong kamatayan.