Patuloy na pinagtitibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang industriya ng bangus sa lalawigan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng bangus hatchery, bilang tugon sa pagiging nangungunang producer ng lalawigan sa bansa.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, mahalagang magkaroon ng sapat na pasilidad at teknikal na kakayahan upang mapanatili at mapaunlad ang produksyon ng bangus.
Binigyang-diin na ang pagtatatag at pagpapalawak ng bangus hatchery sa lalawigan ay isang praktikal at napapanahong hakbang upang matugunan ang pangangailangan ng mga magbabangus.
Sa halip na umasa pa sa suplay mula sa ibang lugar, layunin ng proyekto na dito mismo sa Pangasinan isagawa ang produksyon ng mga semilya ng bangus.
Ang proyekto ay bahagi ng mas malawak na programa ng Pamahalaang Panlalawigan na suportahan ang sektor ng pangisdaan at panatilihin ang Pangasinan bilang pangunahing sentro ng produksyon ng bangus sa bansa.










