DAGUPAN CITY- Nagpapatupad ng malawakang paghahanda ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan laban sa mga sakuna tulad ng lindol at tsunami, sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Ayon kay Ron Maegan Equila, Team Leader ng Emergency Operations Center, bahagi ng mga inisyatibo ng PDRRMO ang Project PARAAN, isang risk assessment at preparedness project na naglalayong sukatin ang antas ng peligro sa mga komunidad, lalo na sa 14 na baybaying lokal na pamahalaan ng lalawigan na itinuturing na high-risk sa lindol at tsunami.
Aniya na isinasagawa ang iba’t ibang serbisyo sa ilalim ng proyekto, kabilang ang mga community drill, upang paghandaan ang posibleng worst-case scenario.
Mahalaga umano ang koordinasyon sa pagitan ng mga LGU at residente, kaya’t isinusulong ang serye ng aktibidad na nagpapalakas sa ugnayan ng bawat komunidad sa panahon ng emergency.
Dagdag pa ni Equila, nag-aalok rin ang PDRRMO ng mga pagsasanay gaya ng First Aid at Basic Life Support, upang mas maging handa ang mga mamamayan sa pagtugon sa emergency.
Kabilang din sa mga pangunahing programa ang CSSR o Collapsed Structure Search and Rescue training, isang espesyal na pagsasanay para sa mga responder sa mga insidenteng kinasasangkutan ng gumuhong gusali.
Aniya, ito ang kauna-unahang pasilidad kung sakali sa labas ng Maynila na nakatuon sa ganitong uri ng preparasyon, na layong paigtingin ang kakayahan ng mga rescuers sa lalawigan.
Nagpapatuloy ang Pangasinan sa pagpapatibay ng kakayahan ng mga komunidad na harapin ang mga epekto ng sakuna, pagbabago ng klima, at iba pang panganib sa kalikasan.