DAGUPAN CITY—Patuloy ang paghahanda ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) para sa Semana Santa, ayon kay Vincent Chiu, Operations Supervisor ng ahensya.

Sinabi ni Chiu na mula pa sa simula ng linggo ay nakahanda na ang kanilang tanggapan at nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang mahigpit na pagbabantay sa buong lalawigan.

Sa pinakahuling monitoring, wala pang naitatalang insidente ng pagkalunod. Dagdag pa niya, na sa patuloy ang pagbabantay sa mga pribadong resort at ilog at sa pakikipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government at mga lokal na pamahalaan, bahagyang bumaba ang kaso ng pagkalunod kumpara noong nakaraang taon.

--Ads--

Inaasahan din ng ahensya ang pagtaas ng heat index sa lalawigan, kaya’t nagbabala si Chiu sa mga deboto na manatiling hydrated at mag-ingat laban sa heat exhaustion at heat stroke.

Ipinaliwanag niya na ang heat exhaustion ay maaaring maranasan sa mataas na temperatura ng katawan na lampas 40°C, na may sintomas tulad ng pagkahilo, pagsusuka, at mabilis na tibok ng puso, at maaari itong mauwi sa heat stroke kung hindi agad maagapan.

Pinayuhan din ang publiko na dalhin sa malamig o may lilim na lugar ang taong may sintomas, luwagan ang kasuotan, bantayan ang vital signs, at iwasang painumin kung nahihirapang huminga. Kung walang pagbabago sa loob ng 30 minuto, agad itong dalhin sa ospital.

Sa kasalukuyan, wala pa naman umanong naitatalang kaso ng heat exhaustion o heat stroke sa buong Pangasinan.