Nakaalerto na ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pagresponde sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng pananalasa ni Bagyong Henry.
Ayon kay Shallom Balolong na siyang emergency operations center manager ng Pangasinan PDRRMO na kahapon ay itinaas sa blue alert ang probinsya kung saan ang lahat ng augmentation personnel at equipment ay naka-standby para sa posibleng deployment kung ito ay kinakailangan.
Aniya nakahanda na rin ang Bureau of Fire Protection, Philippine Army, at Philippine National Police sa bayan ng Binmaley para sa posibilidad na paglikas sa mga residente.
Dagdag pa nito na bagaman hindi direktang tatama sa lalawigan ang naturang bagyo, ay patuloy ang kanilang pagbabantay sa mga lungsod at bayan sa kanlurang bahagi na sa ngayo’y nakakaranas ng malakas hanggang sa katamtamang pag-ulan at hangin.
Una rin rito ay nakapaglabas na rin sila ng abiso hinggil sa mga flood prone areas ay nanatili pa rin namang normal ang tubig sa mga bayan ng Calasiao at Sta. Barbara na madalas nakakaranas ng mataas na pagbaha.
Hindi rin dapat umanong mabahala ang publiko dahil malayo pa sa danger zone ang tubig sa San Roque Dam.
Mahigpit din umano ang kanilang monitoring sa mga bayan ng Labrador, Mangatarem, Aguilar at Bugallon na maaaring makapagdatos ng mga flashfloods habang binabantayan rin ang mga lugar ng Mabini, Bani, Sison sa posibleng pagtala ng landslide.
Nanawagan din ang naturang opisyal sa bawat indibidwal partikular na sa mga estudyante na panatilihin ang pagdadala ng payong bilang panangga sa ulan at iwasan din ang paglusong sa baha upang makaiwas sa sakit tulad ng leptospirosis.
Samantala nakahanda na rin ang Dagupan City Disaster Risk Reduction and Management Office kung saan ayon kay Ronald De Guzman ang siyang pinuno ng naturang ahensya na wala pa silang naitatalang anumang insidente na may kinalaman sa pananalasa ng nabanggit na bagyo.
Tiniyak din nito na may sapat na kagamitan ang CDRRMO kung sakaling magkaroon ng malawakang paglikas sa mga residente.