Dagupan City – Pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang kanilang paghahanda laban sa iba’t ibang sakuna sa pamamagitan ng isang komprehensibong Local Disaster Risk Reduction and Management Plan (LDRRM Plan) na nagsisilbing “mother plan” ng lahat ng mga programa, proyekto, at aktibidad na may kaugnayan sa disaster preparedness.
Ayon kay Ron Maegan Equila, Team Leader ng Emergency Operations Center, isinulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang mas malawak at long-term na plano na isinumite ngayong taon sa Office of Civil Defense (OCD) Region 1.
Taliwas sa karaniwang medium-term plans ng mga lokal na pamahalaan na tumatagal lamang ng anim na taon, ang planong ito ay nakatuon sa pangmatagalang solusyon at pagpapalakas ng kahandaan ng mga mamamayan.
Aniya na nakasaad sa plano ang malinaw na misyon ng probinsya na tiyaking ligtas, alerto, at matatag ang mga mamayan sa harap ng mga kalamidad.
Bahagi umano ng plano ang apat na pangunahing aspeto ng disaster risk reduction, prevention and mitigation, preparedness, response, at recovery, na patuloy na isinasagawa at pinapaigting ng PDRRMO.
Samanatala, binibigyang-prayoridad rin ng probinsya ang mga pangunahing hazard sa rehiyon, kabilang ang mga panganib dulot ng kalikasan at gawa ng tao.
Kaugnay nito, nananawagan ang pamahalaan ng suporta mula sa publiko upang maging matagumpay ang mga inisyatibang ito para sa kaligtasan ng lahat.
Hinihikayat ang lahat na tangkilikin lamang ang tamang impormasyon upang maiwasan ang panic at maling hakbang sa panahon ng sakuna.