Dagupan City – Magtataas ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Red Alert Status bukas bilang paghahanda sa Super typhoon Uwan.
Sa panayam kay Vincent Chiu, Operations Supervisor ng PDRRMO, sinabi niyang tuloy-tuloy na ang kanilang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan upang paigtingin ang pre-emptive evacuation sa mga lugar na itinuturing na high-risk.
Ayon kay Chiu, sa kasalukuyan kasi ay nasa blue alert status pa ang kanilang tanggapan ngunit inaasahang itataas ito sa red alert status.
Dito na niya ipinaliwanag na ang red alert status ay nangangahulugang 100% alert at nakahanda na ang lahat ng kagamitan at tauhan ng bawa’t ahensya.
Nakikipag-ugnayan na rin umano sila sa Department of the Interior and Local Government (DILG) upang agad na makapagsagawa ng pre-emptive evacuation kung kinakailangan, lalo na sa mga lugar na posibleng tamaan ng matinding pagbaha o pagguho ng lupa.
Pinaalalahanan ni Chiu ang mga residente na huwag magpakampante, lalo na ang mga nakatira sa coastal areas ng western Pangasinan, gayundin sa mga landslide-prone areas sa eastern at ilang bahagi ng central Pangasinan na maaaring makaranas ng flash floods.
Aniya inaasahan din kasing itataas ang signal ng bagyo sa Signal No. 4 hanggang 5, kaya’t mas mabuting maghanda na ngayon pa lang.
Kasabay nito, inabisuhan na rin ng PDRRMO ang mga electricity providers sa lalawigan na magsagawa ng maagang inspeksyon sa mga puno at linya ng kuryente upang maiwasan ang aberya sa oras na maramdaman na ang epekto ng supertyphoon Uwan.
Patuloy naman ang panawagan ng pamahalaang panlalawigan sa publiko na manatiling nakatutok sa mga opisyal na anunsyo at maging handa sa anumang posibleng sitwasyon dulot ng paparating na bagyo.










