Nagtaas na ng Red Alert Status ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDDRMO) dahil sa binabantayang sama ng panahon.

Ayon kay Vincent Chiu, operation supervisor ng PDDRMO, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ang kasalukuyang Tropical Depression ay lumakas na bilang Tropical Storm na may international name na “RAGASA” at patuloy na mino-monitor sa loob ng Philippine Area of Responsibility.

Aniya, 90 hanggang 100 porsyento ng kanilang personnel ay naka-standby na para sa deployment sakaling kailanganin ang tulong mula sa iba’t ibang bayan.

--Ads--

Tuloy-tuloy ang kanilang monitoring, kabilang ang pagbabantay sa mga mangingisda.

Bagamat walang gale warning, pinaalalahanan nila anbg mga mangingisda na huwag munang pumalaot upang maiwasan ang anumang panganib.

Nakahanda na rin ang kanilang mga satellite offices sa mga bayan ng San Nicolas, Tayug, San Fabian, at Burgos, kung saan may mga nakaposisyon nang pagkain, non-food items, at mga personnel.

Ayon sa ulat ng PAGASA, posibleng lumakas pa ang bagyo sa mga susunod na araw. Inaasahang mararamdaman na ang pag-ulan sa Linggo o Lunes. Hindi inaalis ang posibilidad na ito ay lalakas pa at maaaring umabot sa supertyphoon category.

Maaaring mag-landfall ang bagyo sa Babuyan Islands. Kahit hindi umano mag-landfall sa Pangasinan, paiigtingin nito ang hanging habagat kaya inaasahan ang pag-ulan sa mga susunod na araw.