DAGUPAN CITY- Gumuho ang lupa sa Sitio Pacalbo, sa pagitan ito ng Brgy. Malico, San Nicolas at Imugan, Nueva Vizcaya dulot ng naranasang malakas na pag-ulan
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Shallom Gideon Balolong, Municipal Disaster Risk Reduction Management-San Nicolas, nagsimula pa ang nasabing landslide kaninang alas-12 nang madaling araw.
Batay sa report ng MDRRMO-Nueva Vizcaya, nagawa na nilang maayos ang daan kaninang umaga subalit, makalipas ang 30 minuto ay nakapagtala muli ng landslide sa Sitio Bangua, sa Brgy. Malico, San Nicolas.
Gayunpaman, wala aniya silang naitalang kaswalidad mula sa landslide.
At dahil dito, nakipag usap din sila sa MRRMO-Sta.Fe upang pansamantalang isara ang Villa Verde Road. At kaninang Alas-11 ng umaga nang kanilang ipatupad ito, sa bisa ng acting mayor ng bayan ng San Nicolas.
Kaugnay nito, regular naman minomonitor ng mga otoridad ang Villa Verde Bridge upang matiyak na wala nang dadaan dito. Maliban diyan, naglagay din sila ng barricade para sa karagdagang seguridad.
Nakipag tulungan na din sila sa kapulisan ng Brgy. Malico upang ipagbawal sa mga dadaan sasakyan ang pagdaan sa Villa Verde Road.
Samantala, binabantayan din nila ang katubigan sa Puyao River at ang Milia Irrigation sa Brgy. Salpat, Brgy. Nining, at Brgy. San Jose. Gayunpaman, wala pa sa kritikal na lebel an mga ito.
Nakahanda ang kanilang response cluster sa anumang insidente dulot ng bagyo.
Istrikto aniya nilang binabantayan ang San Roque patungong Villa Verde Road.