Dagupan City – Naghahanda na ang pamunuan at mga guro ng Pangasinan National High School (PNHS) kaugnay sa planong pagpapatupad ng trimester system sa mga pampublikong paaralan sa ilalim ng Department of Education.
Ayon kay Alberto Zipagan, Administrative Officer ng PNHS, inaasahan na magiging malaking pagbabago ang nasabing sistema lalo na sa aspeto ng akademiko at pamamahala ng mga gawain sa paaralan. Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng paaralan ang pinal na guidelines mula sa DepEd upang maayos na maipatupad ang nasabing sistema.
Isa sa mga pangunahing ikinababahala ay ang posibleng epekto nito sa mga mag-aaral, partikular sa dami ng competencies na kailangang matutunan sa mas maikling panahon. Maaari itong magdulot ng dagdag na pressure sa mga estudyante lalo na kung sabayan pa ng iba’t ibang academic activities.
Sa kabila nito, tiniyak ng pamunuan na gagawin nila ang lahat upang makasunod sa mga alituntunin ng DepEd at maisakatuparan nang maayos ang trimester system. Nakahanda rin ang mga guro na mag-adjust sa bagong paraan ng pagtuturo, batay sa kanilang karanasan at dedikasyon sa propesyon.
Pinaniniwalaan din na mahalaga ang sapat na learning materials at suporta mula sa pamahalaan upang maging matagumpay ang implementasyon ng bagong sistema. Bagamat may mga hamon, umaasa ang paaralan na kakayanin itong lampasan sa tulong ng kooperasyon ng mga guro, mag-aaral, at administrasyon.
Hinikayat naman ang mga estudyante na pagbutihin ang kanilang pag-aaral at huwag panghinaan ng loob sa harap ng mga pagbabago, dahil bahagi umano ito ng kanilang paghubog at pag-unlad.










