DAGUPAN CITY– Umakyat na sa kabuuang bilang na 47 ang naitalang kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa buong Region 1 batay na din sa datos na hawak ng Department of Health o DOH kahapon.

Nabatid mula kay DOH Region 1 Medical Officer 4 Dr. Rhuel Bobis, ang lalawigan ng Pangasinan ang nakapagtala ng pinakamataas na kaso kung saan pumalo ito sa bilang na 30. 14 naman sa La Union, 2 sa Ilocos Norte at 1 sa Ilocos Sur.

Mayroon ding naitala na 7 bagong recovered patients na kung susumahin, nasa 12 na ang mga pasyenteng may covid-19 na nakaka recover.

--Ads--

Kung pag uusapan naman aniya ang bilang ng mga Patient Under Investigation o PUI sa ating rehiyon, sa kanilang datos mula Enero 30 hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa bilang na 1,066 kung saan karamihan dito ay naka admit at naghihintay ng resulta.

Nagkaroon na din ng 730 na katao na na-test at karamihan dito ay nag negatibo sa naturang sakit.

Bagamat natapos na ang palugit sa Extreme Enhance Community Quarantine, ramdam pa din ayon kay Bobis ang pagtaas ng bilang ng mga naitatalang kaso kung kayat payo nito na kung maiiwasan lang na magkaroon ng exposure ang mga kababayan natin sa mga indibidwal na naka isolate o naka admit na positive cases, may posibilidad na mapapa baba ang kaso ng Covid-19.

Mariin din nilang kinokondena ang pagsasagawa ng misting at spraying operation dahil unang-una, wala naman itong kongkretong ebidensiya na makakapuksa ng virus at maaari pa itong maka dagdag ng panganib.

Sa halip, mas mainam ayon sa opisyal kung ugaliin na lamang ang pagsasagawa ng surface disinfectant o di naman kaya ay soaking o pagbabad ng mga gamit.