Pinabulaanan ng Liga ng mga Barangay President sa Pangasinan na si Board Member Raul Sabangan ang kumakalat na alegasyon na iniwan umano ang ilang barangay captains matapos ang isinagawang 3rd LNB Pangasinan Provincial Congress sa Palawan.

Ayon kay Sabangan, hindi ang tanggapan ng Liga ng mga Barangay ang nag-aayos ng biyahe ng bawat kapitan, ito ay kanya kanyang mga bayan ang siyang nag-book at nagtakda ng kanilang flight schedule.

Aniya, hindi niya agad nalaman ang sitwasyon ng mga naiwang kapitan dahil walang signal habang nasa eroplano.

--Ads--

Dagdag pa niya, nang makarating siya sa NAIA ay doon lamang niya nalaman na may mga kasamahan palang na-stranded. Dahil dito, agad siyang nakipag-ugnayan sa liga president ng bayan ng Santa Maria at Rosales upang masiguro ang kalagayan ng mga ito, kabilang na ang kanilang matutuluyan at pagkain.

Tiniyak naman ng naturang opisyal ang pagpapadala ng karagdagang pondo upang matulungan ang mga naapektuhan.

Samantala, binigyang-diin ni BM Sabangan na mahalaga ang LNB Pangasinan Provincial Congress bilang isang plataporma para sa pagpapalitan ng kaalaman, pagtalakay sa mga polisiya, at pagbibigay ng mahahalagang update sa mga programa para sa mga barangay.

Sa kabila ng isyu, nanindigan si Sabangan na walang sinuman ang sadyang pinabayaan at patuloy aniya silang magsisilbi at magkakaisa para sa kapakanan ng mga barangay sa lalawigan.