Hindi pa napag-uusapan ng Pangasinan IATF ang pagluluwag ng restrikyon sa paggamit ng facemask sa lalawigan.

Ito ay matapos ang kontrobersayal na pag-anunsyo ng gobernador ng Cebu na hindi na mandatoryo ang paggamit ng facemask ng kanilang mga mamamayan.

Ayon kay Dr. Ana Marie De Guzman, ang provincial health officer ng probinsya, sa kanilang panig napakaimportante pa rin ang paggamit ng facemask sa lalawigan dahil sa dami pa rin ng mobility ng mga tao.

--Ads--

Aniya, malawak din ang sakop ng lalawigan at hindi umano maaaring ikonsidera ang hindi paggamit ng facemask lalo na at may mga naitatala pa ring kaso ng COVID-19 at banta ng Omicron variant nito.

Isa pa sa tinitignan ng kanilang hanay ay hindi maaring i-risk ang kaligtasan ng publiko kung kaya naman ay hindi pa sila magbaba ng anumang mandato sa hindi pagrequire sa paggamit ng facemask.

Samantala, hinikayat muli ni De Guzman ang publiko na magpaturok na ng booster shot ang mga mamamayan bilang karagdagang proteksyon laban sa banta ng nabanggit na sakit.