BOMBO DAGUPAN – Nakamit ng Pangasinan ang tagumpay sa National PRISAA (Private Schools Athletic Association) Games 2024 na ginanap sa Legazpi, Albay.

Si Kent Bryan Celeste ay itinanghal bilang Most Outstanding Athlete sa athletics (Long Jump), sa ilalim ng gabay ng kanyang coach at VMUF Sports Coordinator, Dante M. Camaso, na kinilala bilang Most Outstanding Coach sa Athletics (Men).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Kent Brian Celeste, Athletics-Most Outstanding Athlete sa nasabing palaro, tatlong gold medal ang kanyang nahakot sa nasabing palaro kaya naman sobrang saya at hindi raw ito inaasahan lalo pa magagalig din ang mga ibang kalahok.

--Ads--

Samantala, plano ni Celeste na sumabak sa 2025 SEA Games at nais niyang katawanin ang bansa sa international competition.

Aniya, nainspire siya sa mga kapwa atleta na nakapag uwi ng karangalan para sa Pilipinas.

Ang delegasyon ng probinsya ay humakot ng kabuuang 36 medalya sa athletics, kabilang ang 24 na ginto, 8 pilak, at 4 na tanso.

Labing-walo sa 22 manlalaro mula sa Virgen Milagrosa University Foundation (VMUF) sa San Carlos City ang nag-uwi ng karangalan.

Ang Rehiyon Uno ay itinanghal bilang Overall Champion sa parehong Athletics (Men) at Athletics (Women).