Nahaharap sa kasong administratibo at kriminal si Pangasinan Governor Ramon V. Guico III matapos magsampa ng kaso si Urdaneta City Mayor Julio ‘Rammy’ Parayno III sa Ombudsman.
Kasabay ng paghahain ng kaso kay Gov. Guico sa Ombudsman, ay sinampahan din ng kasong kriminal sa Commission on Elections si DILG Provincial Director Virgilio P. Sison.
Matatandaan na nag ugat ang kaso ni Gov. Guico sa naging pag-aksyon nito sa idinulog na reklamo kay Mayor Parayno sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) na may kinalaman sa ipinasara ng alkalde na poultry farm sa Barangay Tiposu, Urdaneta City noong 2020.
Ang kaso naman ni PD Sison ay nag-ugat naman sa ginawa niyang pagpapa-receive ng Suspension Order nina Mayor Rammy Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno mula sa Office of the President.
Ang nasabing suspension order ng dalawang opisyal ay may kinalaman sa isinampang administrative case sa Office of the President ni dating Liga ng mga Barangay President Michael Brian Perez noong June 2022 matapos siyang tanggalin bilang Liga President ng kanyang mga kapwa barangay captains sa Urdaneta.
Kaugnay nito,sa naging talumpati ni Mayor Parayno sa ginanap na Flag Raising Ceremony, sinabi niya na wala siyang ni-receive na Suspension Order dahil siya ay naka-sick leave ng Jan. 7 hanggang Jan. 21, 2025 subalit nagbalik opisina na siya noong Jan. 13, 2025 at hindi na tinapos ang kabuuan ng kanyang sick leave.