Naglabas ng Executive order 92 series 2019 si Pangasinan governor Amado “Pogi” Espino III na nagbabawal sa pagpasok ng mga swine products dito sa lalawigan.
Ito ay matapos kumpirmahin ng Department of Agriculture na tinamaan ng African Swine Fever ang mga namatay na alagang baboy sa ilang bahagi ng bansa partikular sa Rizal at Bulacan.
Ayon kay Provincial Veterinary Office – Assistant Vet Dr. Jovito Tabajeros, ito ay bilang paghahanda nang hindi makapasok sa lalawigan ng nasabing uri ng sakit ng baboy.
Aniya, bagamat walang direktang epekto sa mga tao subalit, nangangamba silang maapektuhan ang swine industry sa lalawigan.
Iniutos ng gobernador sa lahat ng alkalde na tiyakin na ipatupad ang istrikto o paghihigpit na pagbabantay sa kanilang public market upang matiyak na ligtas ang mga ibinibentang karne.