Dagupan City – Nanawagan si Pangasinan Governor Ramon “Monmon” Guico III sa mga kritiko ng GUICONSULTA program na isantabi ang pulitika at unawain ang tunay na layunin ng programa — ang pagbibigay ng dekalidad na serbisyong medikal sa bawat Pangasinense.
Ayon sa gobernador, ang GUICONSULTA ay inilunsad hindi para sa pansariling interes o kampanya kundi para matugunan ang matagal nang pangangailangan ng mga mamamayan sa pangkalusugan.
Nilinaw rin ng gobernador ang mga akusasyon na ginagamit ang programa sa halalan, dahil aniya ay matagal nang pinopromote ang GUICONSULTA simula pa noong nakaraang taon. At nagkataon lamang na sumabay ito sa election season kaya’t naging sentro ng maling impormasyon.
Sa kasalukuyan, higit 1 milyon na ang miyembro sa GUICONSULTA, at mas napabilis pa ang implementasyon nito dahil sa isang complimentary program na nagbibigay ng insentibo sa mga nagpaparehistro sa PhilHealth.
Dito na rin ipinaliwanag ni Guico na walang sinumang indibidwal ang direktang nakakatanggap ng pera mula sa PhilHealth — dahil lahat ng pondo ay direktang ibinabayad sa mga ospital at ginagamit para sa gamot, bayad sa doktor, at pagbili ng medical equipment ng mga LGU na siyang nagsusustento sa libreng serbisyong medikal ng lalawigan.
Sa katunayan aniya, dahil sa tagumpay ng GUICONSULTA, maging ang Quezon City ay nagpahayag ng interes na gayahin ang modelo. Ayon kay Mayor Joy Belmonte, plano nilang iparehistro ang lahat ng QC residents sa PhilHealth Konsulta package upang makinabang ang halos 3 milyong residente ng lungsod.