DAGUPAN CITY– Ibinunyag ni Pangasinan Governor Amado “Pogi” Espino III kung papaano at saan dumaan ang biyahero na nagpuslit ng mga alagang baboy papuntang bayan ng Mapandan na positibo sa African Swine Fever o ASF.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Governor Amado ” Pogi ” Espino base sa isinagawang imbestigasyon dumaan sa Anao Exit papuntang San Manuel Tarlac sunod sa Bersamin Alcala at pumasok sa Carmen Bridge ang biyaherong nagpuslit ng mga baboy na apektado ng ASF.

Matapos nito ay dumaan naman ito sa Villasis Urdaneta bypass road hanggang sa bayan ng Mapandan partikular sa Brgy Baloling.

--Ads--

Napag-alaman din nila na may advance party pa ang naturang biyahero na nagsilbing look out sa mga lugar na may mga checkpoint para ito’y kanilang maiwasan.

Sa mga liblib na barangay umano ang dinaanan ng mga ito at sa mga jeep na isinakay ang mga baboy.

Nauna rito limang baboy ang nasabat sa bayan ng Calasiao kung saan nag-negatibo ito sa pagsusuri habang ang 15 sa 60 na mga baboy na dinala sa Barangay Baloling Mapandan ay nagpositibo sa ASF.