DAGUPAN, CITY— Todo pasasalamat at handa na para sa ‘universe’ ang tubong siyudad ng San Carlos na si Dr. Ellen Poayaoan Santos matapos mahirang na Mrs. Universe Philippines North Pacific Asia 2021.
Ayon kay Santos isang karangalan umano na mairepresenta ang siyudad ng San Carlos at lalawigan ng Pangasinan sa nabanggit na pageant at isang ‘bonus at unexpected’ aniya ang pagkakasungkit nito ng korona lalo pa at mairerepresenta din niya ang Pilipinas sa international stage.
Saad niya, napakasaya din niya na maipakita ang ganda ng lalawigan sa buong bansa at talagang pinag-handaan niya kasama ng kanyang glam team ang naturang pageant, maging at mag-eensayo pa ito sa nalalapit din nitong pagsabak sa international pageant.
Matatandaang sumabak si Santos sa nabanggit na pageant kasama ang 17 kandidata kung saan nasungkit nito ang naturang titulo.
Kasama naman niya na hinirang na bagong title holders sina Mrs. Universe Philippines 2021 Claudine Cuntapay Molero ng Davao Del Norte at Michelle Lucas of Rizal na nagwagi namang Mrs. Pacific Continental na kasama niyang sasabak sa Mrs Universe international pageant sa Nobyembre sa bansang South Korea.
Nagbigay din siya ng mensahe sa mga katulad niyang mga ina, na ipagpatuloy lamang nila ang pagbibigay ng inspirasyon sa marami at nakakatulong sa kumunidad at sa mga simpleng tao at mga kababaihan sa kanilang paligid.
Kilala naman si Santos sa kanyang adbokasiya sa pagbibigay ng scholarship sa mga kabataan at pagtulong sa mga “nanay-prenuers” sa kanilang mga negosyo.