Nakapagtala na ang Pangasinan Anti-Cyber Crime Group (PACCG) ng halos sampung kaso ng bomb threat sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng mga insidente.
Ayon kay PMaj. Franklin Lacana, Team Leader ng PACCG, nakatatanggap sila ng mga ulat ng bomb threat mula sa mga himpilan ng pulisya sa Santa Maria, San Manuel, Lingayen, Dagupan City at iba pa.
Karamihan aniya sa maraming kaso ay sa Dagupan City kung saan nasa mahigit 8 paaralan sa elementarya at sekondarya ang nakakapagtala nito.
Batay sa datos ng PACCG, karamihan sa mga gumagawa ng bomb jokes at iba pang pananakot ay pawang mga estudyante o menor de edad.
Inihayag na posibleng may kaugnayan ito sa nalalapit na pagsusulit, kung saan may ilang kabataang gumagawa ng maling ulat o pagbabanta upang maiwasan ang pagpasok sa klase.
Gayunman, binigyang-diin ni Lacana na seryosong tinatrato ng pamahalaan ang lahat ng bomb threat dahil hindi maaaring isugal ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at iba pang mamamayan.
Ayon pa grupo, maaaring maharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o Bomb Joke Law, Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at depende sa sitwasyon, maging sa Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020 ang sinumang mapatutunayang responsable sa pagpapakalat ng bomb threats.
Kung menor de edad ang sangkot, sasailalim muna ito sa pagsusuri ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matukoy kung may sapat na pag-unawa o discernment sa kanyang ginawa.
Kapag napatunayang may discernment ang isang batang may edad 15 hanggang 18, maaari itong managot sa ilalim ng batas habang ang mga batang 14 taong gulang pababa ay maaaring isailalim sa intervention at moral recovery programs ng pamahalaan.
Nagbabala rin ang PACCG na hindi nakapagtatago ang mga gumagawa ng krimen sa internet dahil nag-iiwan ang mga ito ng digital footprints na nagiging mahalagang ebidensya sa pagtukoy sa kanilang pagkakakilanlan.
Hinikayat din ng mga awtoridad ang mga magulang na bantayang mabuti ang social media activities ng kanilang mga anak upang maiwasan ang pagkakasangkot sa mga online group na maaaring humikayat sa kanila na gumawa ng mga ilegal na aktibidad.
Bukod sa posibleng kasong kriminal, maaari ring maharap ang mga estudyanteng sangkot sa mga kaparusahang administratibo tulad ng suspensyon, pagpapatalsik sa paaralan, at kahirapan sa muling pag-enroll sa ibang paaralan dahil sa kanilang magiging rekord.
Samantala, nagpaalala ang PACCG na hindi biro ang pagpapakalat ng bomb threats dahil malaki ang epekto nito sa seguridad ng publiko at maaari itong magdulot ng mabigat na pananagutan sa ilalim ng batas.










