Dagupan City – Nilinaw ni Pangasinan 2nd District Representative na nasa kamay ng taumbayan ang desisyon sa pagpapatayo ng nuclear power plant sa bayan ng Labrador.
Kung saan sinabi Pangasinan 2nd District Representative Mark Cojuangco, na obligasyon lamang nitong ipaliwanag ang kahalagahan ng nasabing inisyatibang proyekto sa mga residente, ngunit sa kabila nito ay mananatiling nasa kamay pa rin ng taumbayan ang desisyon.
Bagama’t may mga nakikita namang earthquake fault sa bahagi ng North Zambales, ngunit hindi naman ito nangangahulugan aniya na hindi na maaari ang nuclear plant sa lugar – dahil ayon kay Cojuangco, nangangahulugan lamang ito na dapat pang pagtibayin ang pagpapatayo ng nuclear power plant.
Matatandaan na matagal na umanong isinusulong ang paggamit ng nuclear energy sa bayan dahil sa paniniwalang malaki umano ang potensyal ng bayan bilang lokasyon ng isang nuclear power plant, at sapat ang suplay ng mapagkukunan ng tubig mula sa dalampasigan para sa cooling system ng planta, pati na rin malawak na kabundukan para sa pagtatayuan ng nuclear reactor.