Dagupan City – Ikinagalak ni Pangasinan 2nd District Representative Mark Cojuangco ang muling pagsusulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng paggamit ng nuclear energy bilang alternatibong pinagkukunan ng kuryente sa bansa.
Ayon kay Cojuangco, matagal na niyang isinusulong ang nuclear energy bilang isang pangmatagalang solusyon upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng bansa sa suplay ng kuryente at mapalakas ang energy security.
Matatandaang sa kanyang SONA 2026, kinilala ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng nuclear energy bilang bahagi ng pangmatagalang plano ng pamahalaan upang matiyak ang sapat, matatag, at maaasahang suplay ng enerhiya para sa mga Pilipino.
Sinabi pa ni Cojuangco na kasabay ng pagsusulong ng nuclear energy ay titiyakin din ng pamahalaan ang kaligtasan ng teknolohiyang ito at ang wastong pagpapaliwanag sa publiko hinggil sa mga benepisyo nito.
Aniya, hindi lamang sa sektor ng enerhiya makatutulong ang nuclear technology kundi maging sa larangan ng medisina, agrikultura, at iba pang mahahalagang sektor na makapag-aambag sa pag-unlad ng bansa.










