Dagupan City – Ipinahayag ni Pangasinan 1st District Representative Arthur Celeste na ang pagpapatayo ng Sky Garden Project ay inaasahang magdudulot ng mas malakas na turismo sa buong lalawigan ng Pangasinan.
Aniya, ang proyektong ito ay bunga ng pagtutulungan ng national, provincial, at local na pamahalaan.
Ayon kay Celeste, umabot sa humigit-kumulang 500,000 na turista ang dumalaw sa Pangasinan noong nakaraang taon. Dahil dito, nakalikom ng halos ₱50 milyon ang sektor ng turismo ng lalawigan.
Ang Skygarden Project ay bahagi ng isang mas malawak na plano para sa pag-unlad ng probinsya, na may layuning gawing pangunahing destinasyon ang Pangasinan para sa mga nature at sports enthusiasts.
Isa sa mga pangunahing bahagi ng proyekto ang isang 40-ektaryang lupain na itinatakdang i-develop para sa sports tourism, kabilang ang mga outdoor activity areas, hiking trails, at iba pang nature-based attractions.
Inaasahan na maisasakatuparan ito sa loob ng limang taon, at bahagi ito ng long-term development program ng lokal na pamahalaan upang itaas pa ang kalidad ng turismo sa rehiyon.