Inilunsad ang ikaanim na Provincial Caravan for West Philippine Sea ng Department of Interior and Local Government dito sa lalawigan ng Pangasinan ngayong araw sa Sison Auditorium sa bayan ng Lingayen.

May pamagat itong “Bayanihang Adhikain, Bayaning Aksiyon para sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas”.

Nauna nang ginanap ang Provincial Caravan para sa West Philippine Sea sa Puerto Princesa City, Palawan nong Mayo 2, 2024 sinundan naman sa Batac, Ilocos Norte noong Agosto 19, 2024, Vigan City, Ilocos Sur noong Agosto 28, 2024, La Union noong Setyembre 18, 2024 at Zambales noong Oktubre 22, 2024.

--Ads--

Layunin ng ganitong caravan na higit pang ipakalat ang mga plano ng aksyon at hikayatin ang kanilang integrasyon sa mga lokal na plano at estratehiya sa pag-unlad para sa ating pinaglalabang teritoryong katubigan.

Nabuo ang ganitong inisyatibo sa pamamagitan ng kauna-unahang National Summit para sa West Philippine Sea na ginanap noong Agosto 2023 kung saan ito ay nilahukan ng nasa higit 500 kalahok mula sa mga probinsyal, lungsod, at munisipal na LGUs, pati na rin mula sa mga pambansang ahensya, akademya, at mga organisasyong pangkalikasan, ay nagresulta sa paglikha ng komprehensibong pambansa at probinsyal na mga plano ng aksyon upang protektahan ang West Philippine Sea para matiyak ang seguridad sa pagkain, at itaguyod ang inklusibong pag-unlad ng ekonomiya.

Nagsimula ang programa sa isang sitwasyon at presentasyon ng video na nagtatampok sa halaga WPS at sinundan ng detalyadong talakayan sa mga pambansa at probinsyal na mga plano ng aksyon.

Ayon kay Asec. Lilian M. De Leon, Assistant Secretary for International Relation ng DILG na kaisa sa nasabing gawain ang ilang mga national government agencies, provincial and local government units (LGU’s) academic institutions, at civil society organizations sa lalawigan upang makibahagi sa ilang mga diskusyon, workshops at aktibidad mula sa DILG at iba pang resource speaker upang ipaalam ang mga whole of the government approach program na maaring isagawa ng ilang sektor sa lalawigan para ipaglaban ang teritoryo sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas.

Ayon naman kay Virgilio Sison, Provincial Director, DILG Pangasinan na aniya kasali ang mga ilang LGUs na nasa land lock area ng lalawigan dahil ang ganitong programa ay dapat mayroon silang pakialam upang makatulong sa mga nasa coastal waters municipality sa pamamagitan ng suporta sa mga ito.

Bilang pangunahing tagapag-ayos, binigyang-diin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kahalagahan ng sama-samang aksyon sa pagprotekta sa rehiyon at sa sustainable na pamamahala nito.

Suportado naman sa nasabing proyekto ang Tanggol Kalikasan, “Restoring the Resources for Economic Sustainability of the West Philippine Sea (RESTORE-WPS),” sa ilalim ng programa ng United States Agency for International Development (USAID).

Samantala, nagtapos naman ang kaganapan sa paglagda sa commitment wall ng mga partisipante at ang paggawad ng pagkilala sa ilang mga LGU’s at NGA’s para sa (Gawad Bayaning Aksyon).”