Napapanahon na umano ang panawagan ng pagsusulong ng ₱750 across-the-board at nationwide salary increase para sa mga manggagawang Pilipino.

Ito ang binigyang-diin ni Julius Cainglet, ang siyang Vice President ng Federation of Free Workers.

Aniya una sa dahilan ng pagsusulong nito ay binibigyang katuparan nito ang dapat na pagkakaroon ng living wage at pangalawa upang mabawasan ang nangyayaring diskriminasyon sa mga manggagawang nanggagaling sa iba’t ibang rehiyon dahil hindi umano pantay ang trato at pasweldo sa mga ito kahit pareho naman aniya ng trabaho.

--Ads--

Unang hakbang umano ito upang maalis ang diskriminasyon.

Kinakailangan aniyang magkaroon ng karagdagang P750 ang minimum na sahod sa bawat rehiyon upang maabot ang tinatawag na living wage na nakabatay sa kanilang tally sa cost of living ng bawat mamamayan.

Ani Cainglet na kung tatantyahin ang bawat pangangailangan ng isang pamilya ay dapat sanang umaabot sa higit P1,100 ang kanilang sinasahod upang matustusan ang kanilang pangunahing pangangailangan.

TINIG NI JULIUS CAINGLET


Dagdag pa nito na kung sakaling magkaroon ng umento sa sahod ay dapat na sabay sabay na mapapakinabangan ng lahat ng mga mangagawa sa buong Pilipinas dahil pantay din naman ang nararanasang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ng presyo ng gasolina.

Ipinunto nito na sa lahat ng pagkakataon laging naiiwan ang mga mangagagawa at dumagdag na rito ang isyu sa inflation na siyang numero unong dahilan kung bakit napang-iiwanan na ang kanilang mga sinasahod.

Samantala sa panukalang batas na isinumite ng ilang mga kongresman, nakasaad dito ang pangangailangan na mabigyan ng mga subsidies ang mga small, micro at medium enterprises na tulong na dapat na ibinibigay ng gobyerno sa mga maliliit na negosyo upang mabigyan sila ng kakayanan upang makapagbigay ng sapat na sahod sa kanilang mga manggagawa.