DAGUPAN CITY- Pinapanawagan ngayon na ibalik ang taripa ng imported na bigas dahil malaki ang maitutulong nito para maprotektahan ang mga lokal na magsasaka dito sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Argel Cabatbat, Chairman ng Magsasaka Partylist, kailangang ibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) at ang kakayahan nitong humawak ng ilang mahahalagang aspeto sa pagbili at pamamahagi ng bigas.

Aniya, sila rin ang isa sa mga tumutol sa Executive Order No. 62, na nagpapababa ng taripa sa mga imported na bigas.

--Ads--

Ipinahayag din nila ang pangamba na muling malugi ang mga magsasaka kung hindi ito maaaksyunan agad.

Kung kaunti lamang aniya ang maipoprodyus na pondo para sa mga magsasaka, maaaring hindi rin tumaas ang presyo ng palay, na lalo lamang magpapahirap sa kanila.

Dapat din umanong bantayan at i-monitor nang mabuti ng Department of Agriculture (DA) ang mga nangyayari sa industriya.

Ayon sa kanya, kung hindi gusto ng mga buyers at traders ang ani ng magsasaka, binabarat nila ito, na nagdudulot ng labis na pagkalugi.

Umaasa rin siyang matutupad ang mga pangakong binitiwan para sa sektor ng agrikultura, sapagkat napakahalaga nito sa kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka.