Dagupan City – Mahina ang basehan ng panawagan ni dating pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang kaso sa International Criminal Court.
Ito ang binigyang diin ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, Constitutional Law Expert sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya, sa gitna kasi ng mga pahayag may kaugnayan sa kalusugan ng dating pangulo, sinabi ni Atty. Cera na wala namang pahayag mula sa kanyang pamilya na hindi na niya nakikilala ang mga ito, bagamat inamin ng mga anak ng dating Pangulo na siya ay tumatanda na.
Matatandaan din nang kumalat kamakailan ang larawan ni Duterte na umano’y nasa masamang kondisyon, na agad namang pinabulaanan ni Vice President Sara Duterte at sa katunayan ay tinawag itong “fake news.”
Ani Cera, kug analisahin at titingnan din kasing mabuti base sa salaysay ng kaniyang sariling pamilya, mukhang nasa maayos ang kalagayan ng dating Pangulo, at wala ring nabanggit na may cognitive impairment o kahinaan sa pag-iisip.
Gayunpaman, lumutang pa rin ang mga panawagang ipagpaliban o ikansela ang mga pagdinig sa ICC, dahil umano sa kalagayang pangkalusugan ng dating Pangulo.
Ngunit nauna nang nilinaw ni Cera na kahit pa ito ay pagbigyan sa kanyang hiling na postponement, mananatili pa rin siya sa ilalim ng hurisdiksiyon ng ICC.
Matatandaan na hinimok ng mga tagausig ng ICC ang mga hukom na huwag pagbigyan ang kahilingan ng dating Pangulo, dahil ayon sa kanila, hindi sapat ang alegasyon ng matinding pagkawala ng memorya at paghina ng kanyang kognitibong kakayahan upang sabihin na hindi na siya maaaring humarap sa paglilitis.