Dagupan City – Hindi sagot ang panawagan ng mga taga-suporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na People Power Revolution matapos ang pagkakaaresto nsa kaniya ng International Criminal Court (ICC).
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Francis Dominick Abril, Legal/Political Consultant, makakalaya naman kasi aniya ang pangulo at makakabalik sa bansa kung lumabas na wala itong sala.
Aniya, sa kabila kasi ng pagkalas ng bansang Pilipinas sa ICC ay sinunod pa rin nito ang international law, nangangahulugan na tamang paraan upang ipakita ng bansa ang pagtalima at paggalang sa batas partikular na pagdating sa human rights.
Dito na ipinaliwanag ni Abril na obligasyon din ng Pilipinas ang partisipasyon sa kaso, dahil marami rin ang mga biktimang naglalahad ng kanilang hinagpis sa sinapit na war on drugs campaign ng dating administrasyon.
Isa na rin ito aniya sa nakikita niyang pagkakataon upang maipakita ng dating pangulong Duterte ang kaniyang sarili at mapakinggang ang bawa’t panig.
Nilinaw naman ni Abril na hindi isinusuko ng bansang Pilipinas si Duterte bagkus ay sinunod lamang nito ang tamang forum at proseso.
Kung sa normal na kaso naman aniya sa bansa ay maaari ang piyansa, sa ICC naman ay hindi ito kinikilala dahil tanging ang Temporary liberty lamang ang maaari, kung saan ay nakadepende pa rin sa ebedensiya ng kaso.
Wala naman aniyang nakikitang aasahan ang pangulo sa tulong ng Pilipinas dahil labas na ito sa ICC, inaasahan din na hindi pa makakauwi ngayong buwan ang dating pangulo para sa magiging proseso ng kaso.
Kaugnay nito, magiging History naman aniya ang naging pag-aresto kay dating pangulong Duterte dahil ang Pilipinas ang kauna-unahang sumunod sa ICC sa ilalim ng pagsunod sa international law sa kabila ng pagkalas nito. At sa Southeast Asia, ito rin ang kauna-unahang may ganitong kaso kung ikukumpara sa mga naitala pa.
Mensahe naman nito sa publiko, partikular na sa mga palagiang pag-post sa social media, huwag magbangayan lalo na kung hindi naman abogado at hayaan ang batas ang siyang magpalabas ng resulta sa kaso. Hindi kasi aniya sagot ang mga pagpapasaring at pakikipagpalitan ng argumento na maaaring nakakasama sa imahe ng pamahalaan dahil maaaring maparusahan ang mga ito ng Depratment of Justice.