Patuloy na iniimbestigahan ng binuong Special Investigaton Task Group ang nangyaring pananambang at pagpatay sa dating PNP Provincial Director ng lalawigan ng Pangasinan na si retired Police General Marlou Chan.

Sa ginanap na presscon kagabi, sinabi ni PNP Provincial director Pol. Col. Redrico Maranan na may hawak na silang mga testigo na magbibigay ng salaysay sa pangyayari.

Kasalukuyan na rin nilang pinag aaralan ang nakalap na mga kuha sa CCTV.

--Ads--

Nabatid na lulan ng kaniyang kulay orange na pick-up truck si Chan nang ito ay tambangan sa kahabaan ng highway ng barangay Nalsian sa bayan ng Calasiao.

Base sa inisyal na mbestigasyon, dalawang motorsiklo na may sakay na riding in tandem ang namaril sa sasakyan ng biktima.

Limang tama ng bala mula sa caliber 45 ang tumadtad sa kanyang sasakyan. Pinaniniwalaang si Chan ang puntirya dahil hindi natamaan ang driber nito.

Nagtamo si Chan ng 2 tama sa leeg at sa dibdib. Agad siyang dinala ng kanyang driber sa hospital pero ideneklarang dead on arrival ang biktima.

Samantala, tiniyak ni Maranan na gagawin lahat para malutas ang kaso sa lalong madaling panahon. Lahat umano ng anggulo ay titignan ng mga otoridad kabilang na rito ang posibleng may kinalaman sa trabaho at pagkakaroon ng personal na away.

Kung maaalala, nanilbihan siya bilang PD mula 2013 hanggang 2015.

Noong siya pa ang PNP director dalawang beses na ideneklarang persona non grata si Chan sa lalawigan sa pamamagitan ng dalawang ipinasang resolusyon sa Sangguniang Panlalawigan dahil sa hindi umano organisadong pagpapatupad ng batas ang ilang rason kung bakit ipinanawagang bumababa ito sa pwesto kabilang ang ilang insidente ng pamamaril, pagpatay at kaguluhan ang naitala ng pulisya sa probinsiya na kinasasangkutan ng mga riding in tandem.

Sa kabila kasi ng mga batikos, naitinalaga parin bilang full pledged Pangasinan Police Provincial Director si Chan tatlong araw bago ang halalan noong 2013.

Sa bisa ng General Order no. 127 itinalaga si Chan bilang Provincial Director ng Pangasinan PNP kung saan may basbas pa umano ito mula sa Regional at National Police.

Bago ang eleksyon ay pinangunahan ni Vice Gov. Ferdinand Calimlim ang isang petisyon na alisin si Chan sa Pangasinan sa dahilang hindi umano nito masolusyonan ang ilang mga krimen sa ibat ibang bahagi ng probinsya.

Una na ring inihayag ni dating gov. Amado Espino Jr., ang pagkadismaya sa performance ni Chan noong eleksyon kung saan inakusahan umano ni Chan si Espino ng harrassment sa mga kandidato ng Nationalist People’s Coalition (NPC) pabor sa mga Liberal Party (LP) candidates.