Patuloy parin ang imbestigasyon ng mga kapulisan sa pananaksak ng suspek sa isang 50 anyos na tricycle driver sa barangay Poblacion sa bayan ng Lingayen dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay PLtCol. Jose Abaya II Chief of police ng Lingayen PNP pinara ng suspek ang tricycle na pinapasada ni Jesus del Rosario nang magkaroon ang mga ito ng mainit na alitan.
Biglang naglabas ng patalim ang suspek at sinaksak ng dalawang beses ang biktimang tricycle driver na nagresulta sa pagkakatamo nito ng sugat sa kanyang tiyan at kanang bahagi ng itaas na katawan nito.
Agaran namang tumakbo ang suspek at hindi na nakilala ng biktima ang pagkakakilanlan nito dahil ito ay nakasuot ng facemask at wala ring mga witnesses sa pangyayari.
Habang ang biktima naman ay itinakbo ng kaniyang mga kamaganak sa Lingayen District Hospital para sa medikal na atensyon.
Base rin sa salaysay ng kanyang kaanak, wala silang nalalaman na kaaway o kaalitan ng biktima.




