Dagupan City – Nagbabala si Atty. Joey Tamayo, Lawyer, laban sa lumalaganap na unfair debt collection practices o mga hindi makatarungang paraan ng paniningil ng utang na ipinagbabawal ng batas.

Ayon kay Tamayo, kabilang dito ang pananakot, pagpapahiya sa social media, paulit-ulit na pangha-harass sa pamamagitan ng tawag at text, pagpapanggap bilang awtoridad, at sobra-sobrang paniningil na lampas sa legal na proseso.

Ipinaliwanag din nito ang mga batas na BSP, SEC, at ang Republic Act No. 10870 ang nangangalaga laban sa ganitong pang-aabuso.

--Ads--

Kung saan aniya ang kadalasang biktima ay mga nangungutang sa bangko, lending companies, at online lending apps—maging ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan na minsan ding pinupuntirya ng mga abusadong maniningil.

Ayon kay Atty. Tamayo, maaaring magsampa ng reklamo sa SEC (para sa lending apps at lending companies), BSP (para sa bangko), at sa NBI o PNP Cybercrime Division kung may online harassment.

Ang mga lalabag naman aniya ay maaaring pagmultahin mula ₱25,000 hanggang ₱1 milyon, masuspinde o makansela ang lisensya, at posible ring makasuhan o makulong.

Paalala naman ni Tamayo sa mga nagpapautang na sundin ang etikal na proseso ng paniningil, at ang mga nangungutang naman na maging responsable at huwag matakot magsumbong kung sila ay inaabuso — sapagkat naroon ang batas upang protektahan ang parehong panig.