DAGUPAN C ITY – Muling gumawa ng kasaysayan ang Panamanian Geisha coffee sa katatapos na 2025 Best of Panama international online auction, matapos itong maibenta sa halagang $30,204 kada kilo o $13,705 kada libra na isang bagong rekord sa industriya ng kape sa buong mundo.
Ang nanalong lote ay isang washed Geisha na itinanim ng Hacienda La Esmeralda sa Boquete, Chiriquí, at binili ito ng isang mamimili mula Dubai.
Sa kategoryang natural Geisha, na mula rin sa Hacienda La Esmeralda, isang mamimili mula Tsina ang nagbayad ng $23,608 kada kilo o $10,709 kada libra.
Samantala, sa kategoryang varietal, isang lote ng Laurina variety ang naibenta sa halagang $8,040 kada kilo o $3,647 kada libra sa isang mamimili sa Beijing.
Sa kabuuan, 30 sa 50 lote na inialok ay lumampas sa $1,000 kada kilo o $454 kada libra, na nagbunga ng kabuuang benta na higit sa $2.8 milyon at karaniwang presyo na $2,861.20 kada kilo o $1,298 kada libra na higit doble ng naitalang presyo noong 2024.
Malaki ang naging papel ng mga international buyers sa auction, kung saan nagmula ang mga bid mula sa Tsina, Hapon, Timog Korea, Dubai, Estados Unidos, Canada, at United Arab Emirates, bukod pa sa iba.